5 kidnaper tumba sa shootout
MANILA, Philippines - Nagwakas ang pagiging notoryus na miyembro ng kidnap-for-ransom at robbery/holdup gang ng limang kalalakihan matapos mapaslang sa pakikipagbarilan sa mga tauhan ng Police Anti-Crime Emergency Response, lokal na pulisya at ng tropa ng militar kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng Dawel-Lucao diversion road sa Dagupan City, Pangasinan.
Kabilang sa mga napatay na sinasabing mga kidnaper ay sina Elisco Emuslan, 34, ng San Andres Bukid, Manila; Jesus Matienzo Jr., 40, ng Masbate, Masbate; Joey Tindugan, 34, ng M’lang, North Cotabato; Glenn Ares, 32, ng Caalibangbangan, Cabanatuan City; at si Edgardo Estrella, 39, ng Bagong Barrio, Caloocan City.
Base sa impormasyon na natanggap ni P/Supt. Mariano Luis Verzosa, lumilitaw na may negosyante na planong kidnapin ng grupo sa bahagi ng Dagupan City.
Kaagad namang bumuo ng pangkat si P/Chief Supt. Ramon Gatan hanggang sa maispatan ng mga awtoridad ang mga suspek na lulan ng kulay puting van na walang plaka sa kahabaan ng Bonuan Binloc area.
Ang nasabing van ay nauna nang napaulat na kinarnap noong Hulyo 28 habang nakaparada sa harapan ng A.B. Fernandez East sa Dagupan City.
Nang sisitahin sana ng mga awtoridad ang van ay bigla na lamang pinaharurot kaya nagkahabulan hanggang sa magkapalitan ng putok ang magkalabang panig.
Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang sari-saring uri ng mga baril kung saan apat sa mga ito ay may identification cards ng AFP na kasalukuyan inaalam ng pulisya. Joy Cantos at Cesar Ramiez
- Latest
- Trending