Mayor, brodkaster itinumba

MANILA, Philippines - Unti-unting nababahiran ng dugo ang nalalapit na 2010 national elections kung saan isang mayor at brodkaster ang iniulat na­paslang makaraang pag­ba­barilin ng mga ‘di-pa ki­lalang grupo kamakalawa ng gabi sa naganap na magkahiwalay na karaha­san sa Pagadian City, Zam­boanga del Sur at Surigao del Sur. 

Kinilala ang napatay na alkalde na si Abdul Ayong, 57, mayor ng Malangas, Zamboanga Sibugay at residente ng Purok Risal, Sto. Niño.

Batay sa ulat na naka­rating kay P/Senior Supt. Leonardo Espina, ang bik­tima ay binoga habang na­katayo sa harapan ng Agora Market sa Pagadian City.

May teorya ang pulisya na may kinalaman sa puli­tika ang  pamamaslang ka­ugnay ng paghahanda ng kampo ni Mayor Ayong para sa nalalapit na 2010 national elections sa mga kandidato ng kanilang partido.

Sa inisyal na imbesti­gas­yon ng pulisya, lumili­taw na natalo sa isinam­pang election protest ang biktima.

Binuo naman ang Task Force Ayong para mare­solba sa lalong madaling panahon ang krimen.

Samantala, isang brod­kaster ng FM radio station ang niratrat ng dalawang ‘di-pa kilalang lalaki sa bayan ng Barobo, Surigao del Sur kahapon ng mada­ling-araw.

Kinilala ang biktima na si Godofredo Linao Jr., 49, ng 94.5 Magic Love FM Radio (Pamilya Walang Iwanan) at residente ng Castillo Village sa Manga­goy, Bislig City.

Ayon kay P/Senior Supt. Nestor Fajura, lulan ng motorsiklo si Linao at bumabagtas sa kahabaan ng provincial road sa Purok 1 nang dikitan at rat­ ratin ng motorcycle-riding gunmen.

Napag-alamang hindi naman hard hitting ang programa ng biktima kaya lahat ng anggulo ay kani­lang masusing iniimbesti­gahan.

Kaugnay nito, pumasok na sa imbestigasyon ang Task Force USIG ng PNP para sa mabilisang ikare­resolba ng krimen. Joy Cantos


Show comments