10 positibo sa AH1N1virus
ORIENTAL MINDORO, Philippines — Isinailalim na sa state of calamity ang Calapan City sa Oriental Mindoro matapos lagnatin ang 400 estudyante mula sa dalawang public school, kung saan 10 sa mga ito ang nag-positibo sa AH1N1 flu virus.
Sinuspindi na ni Calapan City Mayor Salvador “Doy” Leachon, ang klase sa Adriatico Elementary School at JJ Leido National High School kung saan nagmula ang mga estudyante na nakaranas ng lagnat at trangkaso.
Bukod sa dalawang eskwelahan, iniutos na rin ni Mayor Leachon ang suspensyon ng klase sa lahat ng public school, elementarya at high school mula kahapon hanggang Agosto 1 para makapagsagawa ng disinfection.
“Sa 400 estudyante, pumili lang kami ng sampung bata at lumabas na positibo lahat sila sa AH1N1 flu virus,” ani Leachon
Sa panayam ng PSNgayon kay Leachon, pinayuhan na n’ya ang mga magulang ng mga apektadong bata na manatili sa kanya-kanyang bahay at mag-self quarantine para maiwasan pa ang pagkalat ng deadly virus.
Nagsagawa na ng information dissemination ang mga municipal health worker sa lahat ng kanilang barangay kaugnay sa AH1N1 virus.
Inaasahang mapapabilis ang pagpapalabas ng calamity fund para maipambili ng mga gamot at iba pang pangangailangan para sa paglaban sa naturang sakit. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending