Magkumpare lasog sa granada

MANILA, Philippines - Dalawa-katao ang iniulat na nalasog habang apat iba pa ang nasugatan matapos sumabog ang granada na pinaglaruan ng magkumpareng senglot noong Martes ng gabi sa bayan ng Surallah, South Cotabato.

Kabilang sa mga biktimang nasawi ay ang magkum­pareng sina Johnny Marcelo, 33; at Rene Villanueva, 50.

Isinugod naman sa South Cotabato Emergency Hospital  ang mga sugatang sina Ritchelyn Marcelo, 28; dalawang anak na sina Bea, 2; at Khia Marcelo, 7.

Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-9:35 ng gabi sa taha­nan ni Marcelo sa Purok San Roque, Brgy. Buena­vista.

Napag-alamang nag-iinuman ng alak sina Marcelo at Villanueva  na kapwa lango na sa alak nang paglaruan at ginawang bola ang granadang pinagpasa-pasahan.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay natanggal ang safety pin at bumagsak ang granada at mabilis na suma­lakay si kamatayan sa nabanggit na lugar. Joy Cantos

Show comments