CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Isang opisyal ng Parents and Teachers Association (PTA) ang iniulat na napaslang habang dalawang iba pa ang nasugatan makaraang ratratin ng mga rebeldeng New Peoples Army sa induction ceremony kamakalawa ng gabi sa Barangay Malangcao sa bayan ng Basud, Camarines Norte.
Napuruhan ng mga bala ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan si Jonathan Quinto, 31, may asawa, samantala, sugatan at naisugod sa Talobatib District Hospital sina Christopher Biazon, 23 at Elmo Jerez, 26.
Batay sa police report, naganap ang krimen dakong alas-10 ng gabi habang ang biktima ay nanunumpa sa induction ceremony bilang mga bagong halal na opisyal ng PTA ng paaralan sa barangay.
Maging sina Biazon at Jerez na katabi ni Quinto na nakaupo ay tinamaan ng ligaw na bala.
Malaki ang paniniwala ng mga awtoridad na si Quinto ay pinaghihinalaang asset ng militar dahil bayaw ng isang sundalo ng 31st Infantry Battalion ng Phil. Army sa Brgy. San Antonio sa bayan ng Labo.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 17 basyo ng bala ng Armalite rifle at apat na basyo ng Carbine.