CAVITE, Philippines — Nadagdag sa talaan ng mga parangal ng Cavite sa pamumuno ni Gov. Ayong Maliksi ang 2009 Tambuli Awards: 3rd Integrated Marketing Communications Effectiveness Awards kung saan ipinagkaloob noong Hulyo 10 sa University of Asia and the Pacific.
Tumanggap ng silver rating ang “Cavite, be part of the revolution” sa kategoryang Best in Internal Marketing Program mula sa mga huradong kilala sa larangan ng negosyo, edukasyon at komunikasyon.
Inilunsad ang bagong adbokasiya ng Cavite noong Hunyo 12, 2007 kasabay ng selebrasyon ng Kalayaan Fes tival sa Aguinaldo Shrine sa Kawit na pumukaw sa kamalayan ng mga mamamayan.
Ayon sa Provincial Information Officer at Cavite Brand manager na si. Alda Lou Cabrera, ang Cavite brand ay ideya ni Gov. Ayong Maliksi sa pagnanais nitong mas maipakilala ang malawak na potensyal at mahigitan ang kasalukuyang kalagayan ng Cavite.
Naniniwala ang gobernador na hindi magtatagumpay ang pagpapatupad ng kanyang 12-puntong programang pangkaunlaran kung wala ang partisipasyo ng kanyang mga kababayan.
Patuloy ang pagpapakilala ng Cavite brand sa publiko sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at istratehiya. Nagtalaga rin ng mga manager sa 23-bayan at lungsod upang maging katuwang sa promosyon ng Cavite brand hanggang sa mga barangay. Binuo rin ang grupo ng mga tagapagsalita o corps of ambassador ng Cavite brand.
Ang Tambuli Awards na inilunsad sa University of Asia and the Pacific noong 2005 ang una at natatanging organisasyon sa buong Asya na nabibigay ng pagkilala sa mga integrated marketing communications campaign na nagsusulong ng mga magagandang kaugaliang panlipunan.