5 mag-aaral positibo sa AH1N1 virus
ORIENTAL MINDORO, Philippines – Aabot sa limang estudyante ng elementarya sa Calapan City, Oriental Mindoro ang nagpositibo sa AH1N1 virus na nagbunsod para kanselahin ang pasok simula pa noong Biyernes.
Ayon kay Calapan City Mayor Salvador “Doy” Leachon, umaabot sa 132 mag-aaral sa Managbi Elementary School ang naiulat na nagka-lagnat at trangkaso simula pa noong Biyernes.
“ Sa 132 estudyante na may lagnat, pumili kami ng lima sa kanila para sumailalim sa random AH1N1 testing na pawang nagpositibo,” ayon kay Leachon
Nagsimulang suspindihin ang klase mula noong Biyernes (July 17) at tatagal hanggang sa July 26 para maglinis sa loob ng mga silid-aralan.
Inaalam pa naman ng mga health officials kung saan nagmula ang virus na dumapo sa mga estudyante.
Mabilis ding nag-utos si Mayor Leachon sa kanyang mga city health workers na magsagawa ng information dissemination tungkol sa AH1N1 virus sa kanilang 62 barangay.
“’Di-dapat sila mag-panic, tumigil lang sila sa kani-kanilang mga bahay at uminom ng gamot na ipa mimigay ng aming mga health workers,” dagdag pa Leachon
Ayon sa report, apat na ang namamatay sa bansa dahil na rin sa AH1N1 virus habang hinihintay pa ang kompirmasyon ng Department of Health. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending