Malacañang binatikos sa pagkaubos ng bala
MANILA, Philippines – Tahasang kunuwestyon ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang Malacañang sa tila kapabayaan nito na nagbunga ng pagka-ubos umano ng bala ng mga kawal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakikipaglaban sa mga teroristang Abu Sayyaf at rebeldeng Moro Islamic Liberation Front.
Ito’y sa kabila ng pagpapabulaan ng Public Inromation Office ng AFP na si Lt. Col. Romeo Brawner na kinakapos ang military sa bala para durugin ang mga bandidong Abu Sayyaf sa Western Mindanao. Ani Escudero, chairman ng senate committee on justice, kawawa ang mga sundalo dahil walang sapat na kagamitan upang ipagtanggol ang bansa sa kamay ng separatistang Muslim at teroristang grupo.
“Kung totoo, kawawa at api na naman ang mga sundalo natin dahil sa kawalan ng tama at sapat na gamit para ipagtanggol ang bansa at mga sarili nila. Bakit?” katanungan ni Sen. Escudero sa Malacañang.
Sa isinumiteng kasagutan sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) noong Hunyo 25, sinabi sa korte ni Army Vice- Commander General Jerry Jalandoni na umabot na sa kritikal lebel ang supply ng mga sundalo.
Natuklasan na noon pang 2008 ay walang supply ng mga bala at matataas kalibre ng baril ang mga sundalo na maaaring ipantapat sa mga malalakas na sandata ng mga rebelde.
May kinalaman umano ang sagot na ito ni Jalondoni sa kasong isinampa sa korte ng Talon Security Consulting and Trade laban sa Department of National Defense (DND) dahil sa paglalagay ng halos bilyong piso sa procurement contract para manalo sa bidding ang supplier nito.
Base sa guideline ng logistics, ipinaliwanag ni Jalandoni, kinakailangang isyuhan ang mga sundalo ng tatlong loads ng ammunition: “One in his personal possession, another in the company supply and the last in the battalion supply; not to mention the strategic reserve in the ammunition depot.”
Pero, sinabi ni Jalandoni sa kanyang report na umabot na sa “our stock has reached below the one basic load and therefore could be regarded as critical.” Sinabi pa sa korte ni Jalandoni, Deputy Chief of Staff pa lamang siya ng Logistic or J4 ay nasa kritikal na ang sitwasyon ng supply ng mga sundalo.
Giit pa ni Jalandoni, ang procurement of ammunition, partikular na ang 40mm high explosive dual purpose (HEDP), 60mm at 81mm, ay noon pang Abril 2008 kailangan bago pa lumala ang bagbakan sa Mindanao at ang “slowly depleting stocks of these types in the AFP inventory.”
“At the rate of consumption of our combat troops in Mindanao, we find our soldiers needing the said ammunition,” ani Jalandoni. – May ulat ni Joy Cantos
- Latest
- Trending