MANILA, Philippines – Tatlong kalalakihan na sinasabing bomber ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front ang nadakma ng mga tauhan ng Task Force Tugis makaraang salakayin ang safehouse ng mga terorista na sangkot sa pambobomba sa simbahan ng Cotabato City kamakalawa sa Sultan Kudarat, Maguindanao.
Gayon pa man, ayon kay Army’s 6th Infantry Division Spokesman Lt. Col. Jonathan Ponce, nasawi ang isang 11-anyos na babaeng elementarya pupil habang dalawang iba pang ang nasugatan matapos na maipit sa palitan ng putok sa Sitio Bamban sa Brgy. Kabuntalan.
“Sila ang unang nagpaputok, papalapit pa lamang ‘yung raiding team nang umalingawngaw ang serye ng putok ng baril, so our troops returned fire, it’s too unfortunate may namatay na bata, tapos 2 rin civilian ang wounded,” pahayag ni Ponce.
Tumanggi muna si Ponce na tukuyin ang pagkikilanlan ng tatlong bomb expert ng Moro Islamic Liberation Front-Special Operations Group (MILF-SOG) habang isinasailalim pa sa tactical interrogation.
Nasamsam sa nasabing lugar ang isang Garand rifle at bomba na gawa sa 60mm mortar kung saan tangkang pasabugin sa Cotabato City.
Nasamsam din ang mga combat uniform, ilang identification card, granada, iba’t ibang uri ng bala, combat boots, at iba pa.
Sa tala ng mga awtoridad, aabot sa anim-katao ang kumpirmadong nasawi habang aabot naman sa 50 ang nasugatan makaraang pasabugin ng mga terorista ang harapan ng Immaculate Concepcion Church sa Cotabato City noong Hulyo 5. Joy Cantos