Camp Vicente Lim, Laguna, Philippines – Isang 58-anyos na lalaki na nagpakilalang ahente ng National Bureau of Investigation ang inaresto ng pulisya sa isang entrapment operation dahil sa umano’y pangingikil sa isang negosyante sa Calamba, Laguna kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Laguna Police Director Senior Superintendent Manolito Labador ang suspek na si Benjamin Valencia ng 106 San Roque, San Pedro, Laguna.
Naunang inireklamo ng biktimang negosyanteng si Evelyn Mendoza ang panghihingi sa kanya ni Valencia ng P15,000 salapi makaraang salakayin nito ang kanyang peryahan.
Dalawang beses na umanong sinalakay ni Valencia at apat pang nagpakilalang NBI agent ang peryahan ni Mendoza sa Sitio Sipag at Tyaga, Barangay 1, Calamba City hanggang ikulong pa umano ito sa isang restaurant.
Pinawalan lang si Mendoza matapos mangakong magbabayad ng P15,000.00 sa mga ahente umano ng NBI na nagbunsod para magsuplong siya sa mga pulis. (Arnell Ozaeta)