BAMBANG, Nueva Vizcaya, Philippines – Limang miyembro ng kilabot na budol-budol gang ang nahulog sa kamay ng batas matapos mabisto ang kanilang operasyon sa Barangay Buag, Bambang ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ayon kay PC/Insp Janton Albano, hepe ng Bambang police office, nakilala ang mga suspek na sina Cezar Lazaro, 46; Mario De Guzman, 49; Conrado Malonzo, Jessie Salas, 37, na pawang residente sa lalawigan; at Jose Reyes, 46 ng Culipat, Tarlac.
Ang mga suspek ay nagpapanggap na ahente ng ibat-ibang produkto at nagpapakita ng mga ori hinal na produkto subalit puro naman basura ang laman ng mga ide-deliver na karton matapos si lang bayaran ng mga biktima.
“Ang modus ng mga suspek ay nagpapanggap na mga ahente ng mga juice, mineral water, at iba pang mga naka-karton na paninda at kapag pumayag ang mga store owner na kumuha ng bultuhang paninda, idi-deliver naman nila ang mga karton na naka-sealed subalit, lingid sa kaalaman ng mga biktima, puro mga basura o anumang pabigat ang nakalagay sa loob ng karton,” pahayag ni Albano
Nasakote ang mga suspek nang tangkain nila noong Lunes na biktimahin ang negosyanteng si Hilde dela Fuente sa Barangay Buag.
Agad na nagsumbong sa pulisya ang biktima nang matuklasan niya ang panloloko ng mga suspek.
Sinasabing ilang negosyante sa Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya ang nabiktima ng mga suspek. (Victor Martin)