MANILA, Philippines - Nasilat ng mga security escort ng dalawang huwes ang tangkang pagdukot sa isang negosyanteng Indian national matapos na makipagbarilan sa mga kidnapper na ikinasugat ng driver ng isa sa mga opisyal sa Cotabato City kahapon ng tanghali.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines-Eastern Mindanao Command Spokesman Major Randolph Ca bangbang ang nasagip na biktima na si Manohar Mike Khemani, may-ari ng Sugni Superstore at residente ng Bonifacio St., Cotabato City.
Isinugod naman sa pagamutan ang nasugatang driver ng negosyanteng Bombay na si Christopher Aracena habang ligtas namang nakapuslit sa mga kidnapper si Khemani.
Sinabi ni Cabangbang na naganap ang insidente habang lulan ang mag-amo sa landcruiser galing sa pakikipagpulong sa Sardonyx Plaza nang harangin ng tatlong armadong kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng kidnap-for-ransom gang sa kahabaan ng highway ng Gutierrez Avenue, Barangay RH 7, Cotabato City.
Puwersahang kinakaladkad palabas ng sasakyan ng mga kidnapper si Khemani nang magkataong napadaan ang convoy nina Judge Ibrain Bansawan, Executive Judge ng Branch 13, at Judge Ben Garcia ng Dole 12 kasama ang kanilang mga security escorts.
Nang makita ang komosyon ay kaagad pinaputukan ng mga security escorts ang mga kidnapper na nakipagbarilan sa mga ito.
Napilitan namang magsitakas ang mga suspek patungo sa Malagas area na nabigong matangay ang target na negosyante pero nasugatan ang driver nito sa palitan ng putok. (Joy Cantos)