Kinidnap na Chinese trader pinalaya na
KIDAPAWAN CITY, Philippines – Pinalaya na kahapon ang kinidnap na Chinese trader sa bisinidad ng Barangay Rajamuda sa bayan ng Pikit, North Cotabato.
Si Mafen Wo, 24, na hipag ni Atchan Wo na may- ari ng Atchan Enterprises at TFTF Enterprises sa Barangay Poblacion ay dinukot ng grupo ni Mayangkang Saguile sa kahabaan ng USM Avenue sa bayan ng Kabacan, North Cotabato noong Miyerkules.
Si Saguile ay sinasabing sangkot sa serye ng kidnapping ng mga negosyante sa Cotabato City, Midsayap, at iba pang bahagi ng Central Mindanao.
Nauna na nang napaulat na humingi ng P13 milyon ransom ang mga kidnaper para sa kalayaan ng biktima.
Ayon kay P/Supt. Renato Hiso, oic ng North Cotabato PNP, pinalaya ang biktima matapos na makipagnegosasyon sa mga kidnaper ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan.
Sumaksi sa pagpapalaya sa biktima sina Pagalungan Mayor Norodin Matalam, Pikit Mayor Sumulong Sultan, Kabacan Mayor George Tan at si Cotabato Governor Jesus Sacdalan.
Ang biktima ay isinailalim na sa debriefing ng 602nd Brigade sa bayan ng Carmen, North Cotabato, bago iturn-over sa kanyang pamilya sa Davao City.
May teorya ang pulisya na nagbigay ng malaking halaga ang pamilya ni Wo sa pagpapalaya ng bik tima. (Malu Manar at Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending