MANILA, Philippines - Umaabot sa sampung bandidong Abu Sayyaf ang kumpirmadong napaslang matapos makasagupa ang tropa ng Phil. Marines sa liblib na bahagi ng Sumisip, Basilan simula pa noong Martes.
Ayon kay Captain Neil Anthony Estrella, tagapagsalita ng Task Force trillium, sumiklab ang bakbakan bandang alas-3 ng hapon noong Martes at nagpatuloy hanggang kahapon.
“Ten cadavers of Abu Sayyaf kidnappers were recovered in the encounter site and we believed they suffered more casualties, ani Estrella sa phone interview.
Ipinag-utos ni Brig. Gen. Rustico Guerrero, ang strike operation kaya gumagapang pa lamang ang liwanag kahapon ay nagsimulang lusubin ng mga kawal ng 1st Marines Brigade ang pinagkukutaan ng mga kidnaper matapos palayain ang tatlong guro ng Landig Gua Elementary School sa bayan ng Mohamad Ajul.
Kabilang sa mga napaslang ay sina Kumander Muntong Pulah, lider ng Abu Sayyaf at ang dalawang kumander ng MILF Special Operations Group na sina Ben Mungkay alyas Boy Negro at Usman Lidjal na wanted sa kasong kidnapping for ransom, murder, homicide, rape atbp.
Samantala, apat sa mga kidnapper ang nasa kote na hindi pa tinukoy ang mga pangalan habang narekober naman ang dalawang M16 rifles, isang M14, isang M16 na may M203, tatlong B40 ammunitions, sampung rounds ng 40mm, mga bala at mga dokumento.
Base sa intelligence report ng militar, maliban sa narekober na 10 bangkay ng Abu Sayyaf ay sinasabing marami pa ang nasawi at nasugatan habang isa naman ang nasawi sa panig ng Philippine Marines.
Sa kasalukuyan ay bihag pa rin ng mga bandido ang tatlo pang guro na sina Jocelyn Enriquez, Jocelyn Inion at si Naime Mande na kinidnap noong Marso 13 sa Bangkaw-Bangkaw, Naga, Zamboanga Sibugay. Joy Cantos