BAGUIO CITY, Philippines – Pinaniniwalaang malaking kawalan sa hanay ng mga rebeldeng New People’s Army sa Cordillera region at ibang lalawigan, ang pagkakadakip sa mag-asawang kumander noong Lunes sa bisinidad ng Baguio City.
Sina Jovencio Balweg, 58, alyas Ka Rudy at Ka Dawa, na sinasabing humahawak ng ilang sensitibong puwesto sa CPP-NPA hierarchy sa Ilocos at Cordillera region at asawang si Carmen, alyas Ka Dumay, ay kapwa naaresto sa bisinidad ng Camp 7 ng mga operatiba ng Regional Intelligence and Investigation Division ng Cordillera police, Abra at Baguio pulis at ng 1603rd Police Mobile Group.
Si Balweg, na may patong sa ulo na P1 milyong reward sa kasong murder at frustrated murder, ay may nakabinbing 2-warrant of arrest kung saan pinatay niya ang sariling utol na si Conrado Balweg na ex-rebel-priest turned paramilitary leader noong December 31, 1999.
Ayon kay P/Chief Supt. Orlando Pestano, si Ka Rudy/Dawa ay member ng Executive Committee ng CPP-NPA ng Ilocos-Cordilera Regional Party Committee (ICRC) at secretary ng Abra Provincial Party Committee at tumatayo ring alternate secretary ng Provincial Education Department at commanding officer ng Abra NPA command.
Samantala, si Ka Dumay, ay medical officer at commanding officer din ng Abra NPA command at umaaktong secretary sa CPP hierarchy sa guerilla zone sa Abra.
Maging ang mga pamangkin ng mag-asawa mula sa bayan ng Malibcong sa Abra kabilang na ang kanilang dalawang anak ay sumapi narin sa NPA. - Artemio A. Dumlao