Pulis nagbaril sa sentido

BATANGAS, Philippines – Nanana­ti­ling palaisipan sa mga awtoridad ang pagkamatay ng isang pulis na natag­puan sa loob ng kanilang bahay sa bayan ng Mataas na Kahoy, Batangas kama­kalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Senior Insp. Gaudencio Aguilera, ang biktimang si PO3 Dennis Hernandez, 36, naka-assign sa San Sabastian police community precinct sa Lipa City, Batangas.

Ayon sa ulat, natagpuan ang bangkay ni Hernandez sa loob ng kuwarto ng ka­nilang ancestral house sa Barangay Poblacion 2 ban­dang alas-8:45 ng gabi.

Hawak pa ni Hernandez sa kanang kamay ang baril habang may tama sa kan­yang kanang sintido na tumagos naman ang bala sa kaliwang bahagi ng ulo.

“ Base  sa mga ebiden­sya na aming nakalap, ma­laki ang posibilidad na suicide ang nangyari, pero pa­tuloy pa rin ang imbesti­gasyon namin kung may makikita kaming foul play,” dagdag pa ni Aguilera.

Napag-alamang hindi na nag-report sa duty si Hernandez noong Biyernes ng umaga na nagbunsod para hanapin ng kanyang asawa at mga kapatid hang­gang matagpuang patay sa bahay ng kanilang mga magulang.

Bago naganap ang insi­dente, napansin na ng kan­yang mga kaanak na depressed at nagpapakita ng mga abnormal na galaw ang biktima. - Arnell Ozaeta


Show comments