Bata bulagta sa kidlat

MANILA, Philippines - Kinarit ni kamatayan sa ikaapat na kaarawan ng isang batang lalaki makaraang tamaan ng kidlat sa Bago City, Negros Occidental kamakalawa. Napag-alamang naglalakad ang biktimang si John Lloyd Buenafe, kasama ang kaniyang ina na si Leonidas ng Brgy. 6, Central Ma-ao, Bago City nang kumislap at tumama sa bata ang matalim na kidlat kung saan nagdiriwang ng kanyang birthday. Nagawa pang maisugod sa Bago District Hospital ng kaniyang ina ang biktima, subali’t idineklarang patay matapos masapul ng kidlat sa ulo. Ayon sa police report, bibili sana ng pancit ang mag-ina sa Central Ma-ao Public Market para ihanda sa kaarawan ng bata nang makasalubong si kama­tayan. Joy Cantos

‘Holdaper’ dinedo sa sayawan

LEGAZPI CITY, Philippines – Dahil sa sinasabing pagkakasangkot sa holdapan, ay isang mister ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga armadong kalalakihan kamakalawa ng gabi sa dance hall sa Brgy. Ayugao sa bayan ng Pre­sentacion, Camarines Sur. Ang biktimang nanonood ng sa­yawan sa plaza nang ratratin ay nakilalang si Valentin Oli­deles, 47. Matapos isagawa ang pamamaslang ay nag-iwan ng mensahe ang mga killer na nagsasabing holdaper ang biktima. Ed Casulla

2 utas sa karahasan sa Cavite

CAVITE, Philippines – Dalawang sibilyan ang iniulat na napaslang sa naganap na magkahiwalay na karahasan kamaka­lawa sa Cavite. Base sa police report, si Rufino Aranas na tricycle driver ng Brgy. Tinyente Tiago, General Mariano Alvarez ay pinagbabaril ng di-pa kilalang lalaki sa bisinidad ng Canero Compd sa Brgy. F.de Castro sa nabanggit na bayan. Samantala, si Nestor Sico ng Brgy. Malagasang sa bayan ng Imus ay niratrat naman sa harapan ng kanyang bahay kamakalawa ng gabi. Cristina Timbang

Show comments