KIDAPAWAN CITY, Philippines – Nadakip ng mga armadong miyembro ng Civilian Volunteers Organization at mga tanod ng Barangay Kanibong sa Tulunan, North Cotabato ang isang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front kahapon ng umaga.
Kinilala ang rebelde na si Akmad Kusa Dada, 29, residente ng Barangay Nuangan, Kidapawan City.
Nakuha mula kay Dada ang isang back pack na may lamang fatigue uniform at mga damit na may mga putik na posibleng ginamit niya sa pagtakas sa lugar pagkatapos nilang lusubin noong Linggo ang mga plantasyon ng saging na pag-aari ni Cotabato Vice-Governor Manny Piñol. Nakuha rin sa kanya ang isang ID na nagpapatunay na siya ay miyembro ng MILF.
Sa kabila nito, mariin pa ring pinasinungalingan ni Dada ang mga alegasyon.
Ayon sa kanya, napunta lang siya sa lugar dahil hinahanap niya ang kanyang ina na posibleng naligaw nang magkabakbakan sa barangay na ayaw namang paniwalaan ng mga CVO at mga sundalo.
Sa ngayon, hawak na ng 57th Infantry Battalion ng Army si Dada, ayon kay Barangay Kanibong Chairman Richard Dado. (Malu Cadelina Manar)