BAGUIO CITY, Philippines – Upang maiwasan ang pagkalat ng swine flu, 120 kilong imported na karne ng baboy mula sa United States na pinaniniwalaang ibinebenta sa Baguio City public market ang nasamsam ng mga awtoridad noong Huwebes ng umaga.
Nadiskubre ng mga tauhan ng National Meat Inspection Commission na ang imported na karne ng baboy ay naipuslit kahit hindi naipoproklamang ban ang nasabing karne dahil sa worldwide alert na Mexican Swine Virus, ayon sa local radio station Bombo Radyo kahapon.
Ipinaliwanag ng NMIS na kahit hindi pa naipoproklama na bawal ang imported na karne dahil sa swine flu ay maaari pa ring kumpiskahin para maseguro ang kaligtasan ng publiko.
Samantala, dahil sa worldwide alert, nagsimulang maramdaman ng mga meat vendor sa public market ang pagdausdos ng bentahan ng karne ng baboy dahil sa kumalat na balita kaugnay sa swine virus.
Kasunod nito, nagpakalat na ng mga checkpoint sa entrance at exit point sa Ilocos Sur para masiguro na hindi makakapasok ang kilu-kilong karne ng baboy na sinasabing apektado ng swine flu. - Artemio A. Dumlao