Trak hulog sa bangin: 5 patay
DIADI, Nueva Vizcaya, Philippines – Lima-katao ang kumpirmadong nasawi habang dalawang iba pa ang nasugatan makaraang mahulog ang kanilang sinasakyang trak sa bangin sa bayan ng Diadi, Nueva Vizcaya kamakalawa.
Kabilang sa mga biktimang namatay ay sina Amor Ramos, Joey Tolentino, kapwa residente ng Barangay Ngarag, Cabagan, Isabela; Maila Dumalanta ng Osmenia, Ilagan, Isabela; Carlina Albano ng San Pedro, Ilagan, Isabela; at ang drayber na si Rodolfo Francisco ng District 1, Tumauini, Isabela.
Sugatan naman sina Analyn Sarangay ng Ilagan, Isabela at Federico Albano, may-ari ng trak at residente ng San Pedro, Tumauini, Isabela.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Insp. Rogelio Garcia, hepe ng Diadi PNP, naitala ang sakuna dakong alas-11:45 ng gabi sa national road ng Barangay Balete matapos mawalan ng preno ang trak (TVK 681) ni Francisco.
Nabatid na unang sumalpok ang trak sa gilid ng kalsada matapos nawalan ng preno kaya mabilis na tumalon si Albano para lagyan sana ng kalso ang gulong, subalit binawi ng drayber ang manibela dahil mahahagip ang sinusundan na sasakyan kung saan nahulog na ito sa bangin.
Lumabas pa sa imbestigasyon ng pulisya na ang ilan sa mga biktima ay nakisakay lamang sa trak matapos mamili ng mga prutas at gulay sa Pangasinan para dalhin sana sa Isabela habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya. Dagdag na ulat ni Joy Cantos
- Latest
- Trending