7 dinakma sa P2.5-milyong estafa
BULACAN, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng pitong sibilyan matapos arestuhin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) kahapon ng umaga sa bayan ng Guiguinto, Bulacan sa kasong estafa na nagkakahalaga ng P2.5 milyon.
Ang mga suspek na inirekomendang magpiyansa ng P40,000 kada isa para sa pansamantalang kalayaan ay nakilala sina Ben Santos, Henry Santiago, Ding Hilario, Imelda Santiago, Agustin De Jesus, Vivian Mangawang, at si Danny Reyes na pawang kawani at dating opisyal ng Samahang Gabi sa Lamesang Bilog (SGLB) sa nabanggit na bayan
Ayon kay Atty. Abdulgani Benito, officer-in-charge ng NBI-Bulacan, inaresto ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Oscar Herrera Jr. ng Malolos City Regional Trial Court Branch 20 kaugnay sa kasong estafa through falsification of public documents na isinampa ni Renato Cajucom.
Base sa ulat, ang mga suspek ay sinasabing nangungulekta ng mga kontribusyon mula 2001 hanggang 2007 para sa mga miyembro ng SGLB na namatay na sina Juan Montibon, Dulcesima Montibon, Rolando Domingo, at si Joel Tomaquin.
Subalit sa tala ng kooperatiba, si Dulcesima ay buhay pa, samantala, si Domingo ay hindi nila miyembro at ang death certificate ni Tomaquin ay peke.
Samantala, itinanggi naman ng mga suspek ang aku sasyon. Dino Balabo
- Latest
- Trending