LEGAZPI CITY , Philippines – Isang 13-anyos na binatilyo na bagong graduate sa elementarya ang tinuhog ng kahoy at pinugutan ng isang lalakeng may topak umano sa ulo sa Sitio Cabohahan, Barangay Boton, Casiguran, Sorsogon kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang biktimang si Dennis Lauriara na residente ng naturang lugar.
Agad namang nadakip ng mga awtoridad ang suspek na si Allan Gregory Esperansante, 39, binata, at residente rin sa Boton.
Ayon sa ulat na nakarating kay Casiguran Mayor Ma. Ester Hamor, ang insidente ay naganap dakong ala-1:00 ng hapon habang ang biktima kasama ang ilang mga kaibigan nito ay naglalaro.
Biglang dumating ang suspek na may hawak na itak, sinunggaban ang biktima at walang sabi-sabing pinagtataga ito hanggang pugutan ng ulo at tuhugin ng kahoy ang katawan ng binatilyo.
Ang suspek ay pabalik-balik na sa isang mental institution sa Dr. Susano Rodriguez Memorial Hospital na kung saan ito ang pagamutan ng mga may sira ang ulo.
Sinabi pa ng alkalde na ito ay kanilang unang ipinadala sa naturang pagamutan su balit ito ay nakabalik sa lugar dahil ito ay asal matinong pag-iisip na muli umano.
Ngunit kamakalawa, nagwala ang suspek hanggang sa matagpuan at patayin ang biktima.
Ang suspek naman ay kasalukuyan nang nakakulong na sa himpilan ng pulisya at inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaso laban dito. (Ed Casulla)