BOCAUE, Bulacan, Philippines – Parang binagsakan ng langit at lupa ang isang ginang matapos na holdapin at matangayan ng perang inutang pa nang pahulugan at ipambabayad sana sa graduation rites ng kanyang anak na nagtapos ngayong taon.
Sa salaysay ng biktimang si Marilou Aureada, 44, may-asawa at residente ng Brgy. Batia sa bayang ito kay P/Supt. Ronald De Jesus, dakong ala 1:45 ng hapon kahapon habang nakasakay siya sa isang pampasaherong jeep pauwi na sana sa kanilang bahay ay tinabihan siya ng suspek na si Elpidio Cadiente, 38, bago siya nito tinutukan ng patalim sa tagiliran sabay usal ng “holdap ito.”
Dahil sa pagkabigla at takot ay nagawang ibigay ng biktima sa suspek ang halagang P9,000 na nasa kanyang bulsa.
Ang naturang pera ay inutang pa niya upang gagamitin sana ng kanyang anak sa graduation rites nito sa Maynila.
Matapos na malimas ang pera ay agad na tumalon ang suspek mula sa umaandar na sasakyan ngunit hindi nawalan ng pag-asa si Marilou at agad na nagsisigaw ito at humingi ng tulong sa taong bayan.
Dahil sa pagsisigaw ni Marilou ay agad na nasakote ito at naging dahilan pa upang bugbugin ito ng mga taong bayan na nagresponde sa biktima at agad din ipinasa sa mga pulis na nasa bisinidad nito ngunit hindi napigilan ang galit ng mamamayan.
Hindi na narekober pa ang pera ng biktima at patalim na ginamit dahil sa itinapon na ito sa isang bakanteng lote habang hinahabol ng mga galit na mamamayan. (Boy Cruz)