ILOILO CITY , Philippines — Nagwakas ang serbisyo sa bayan ng isang paretirong alagad ng batas na sinasabing isa sa dalawang bomb expert habang tatlo iba pang kasamahan nito ang nasugatan makaraang sumabog ang granada na kanilang sinusuri sa loob ng himpilan ng pulisya sa Iloilo City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng regional police director na si P/Chief Supt. Isagani Cuevas, ang nasawing pulis na si SPO2 Rafael Managuit, magreretiro sa susunod na taon at naisugod pa sa Iloilo St. Therese Hospital matapos na masapul ng mga shrapnel sa mukha, dibdib at braso.
Ginagamot naman sa nabanggit na ospital sina PO3 Abundio Diaz Jr., PO2 Roque Gimeno III at si PO2 Albert Sardua Jr. na pawang miyembro ng SWAT-Explosives and Ordnance Division team.
Nabatid na walang anumang protective equipment sa katawan ang mga pulis habang isinasagawa ang pagsusuri sa granada.
Napag-alamang rumesponde ang pangkat ni SPO2 Managuit sa tindahan ni Yolanda Sinato ng Barangay East Baluarte, kaugnay sa granada at rifle grenade na nasa bubungan ng bahay ng kanilang tindahan.
Kaagad naman narekober ang dalawang granada at dinala sa himpilan ng pulisya subalit habang sinusuri ang granada sa loob ng tanggapan ng Special Weapons and Tactics sa tabi ng Robinson’s Place-Iloilo ay biglang sumabog.
Matapos mapawi ang makapal na usok ay hindi naman kaagad maialis ang katawan ni SPO2 Managuit para maisugod sa ospital dahil sa pangambang sumabog uli ang isa pang granada. (Ronilo Pamonag at Joy Cantos)