CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Tatlong magkakapatid na lalaki ang iniulat na nasawi matapos masabugan ng granada na kanilang napulot sa bisinidad ng Barangay Tagbakan Ilaya sa bayan ng Catanauan, Quezon kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Chief Inspector Elmar Cillador, hepe ng Catanauan PNP, ang mga biktimang sina Romnick Arpia, 15; Joselito,12; at si Hilario Christian Joseph, Arpia, 5, pawang mga residente ng Sitio Balintok sa nabanggit na barangay.
Base sa police report, napulot ni Romnick ang isang bala ng M-203 grenade launcher sa kanilang lugar kung saan naganap ang engkuwentro ng mga rebeldeng New People’s Army at tropa ng Philippine Army may ilang araw na ang nakalipas.
Nagawang martilyuhin ng magkakapatid ang granada hanggang sa ito ay sumabog bandang alas-11:20 ng umaga.
Nalasog ang katawan nina Romnick at Joselito, samantalang namatay na man sa Peninsula District Hospital si Hilario. Arnell Ozaeta