SAN ILDEFONSO, Bulacan, Philippines – Hindi na nakayanan ng isang tricycle driver ang labis na panlalait at laging pagtututok sa kanya ng baril ng isa niyang kapwa drayber kaya hinamon na niya ito ng duwelo upang magkaalaman na kung sino ang magaling sa kanila pero nagresulta ito sa pagkamatay ng isa sa kanila habang agaw buhay naman sa pagamutan ang pangalawa.
Namatay sa pinangyarihan ng krimen bunsod ng dalawang tama ng bala si Rolando Cañosa, 44, residente ng Barangay Pinaod. Sugatan naman at nakikipaglaban sa kamatayan si Wilfredo Caraig, 40, residente ng Barangay Sumandig sa bayang ding ito.
Lumilitaw sa imbestigasyon na napundi na si Caraig sa madalas na panlalait at panunutok ni Canosa ng baril sa kanya tuwing magkikita sila sa tricycle terminal sa bayang ito kaya, kahapon, kumuha ng sarili niyang baril ang una at pinaputukan ang huli. Nagawa pa ni Canosa na makaganti ng putok bago nalagutan ng hininga kaya nasugatan din si Caraig. (Boy Cruz)