MANILA, Philippines - Dahil sa sobrang init ng panahon, isang pulis ang nasawi sa heat stroke sa kasagsagan ng ehersisyo alinsunod sa ipinatutupad na Physical Fitness Test ng Philippine National Police sa Gov. Melanio Singson Memorial Sports Complex sa Barangay Alibagu, Ilagan, Isabela kamakalawa.
Kinilala ang biktima na si PO3 Marianito Bolima, 40 anyos, ng 206th Provincial Mobile Group sa Cauayan City at nagsisilbi bilang pansamantalang police security escort ni Isabela Vice Governor Ramon Reyes.
Nasa kasagsagan ng page-ehersisyo si Bolima nang bigla siyang bumagsak sa Oval Sports Complex sa kalagitnaan ng kanilang 2 kilometer run walk.
Ang biktima ay hindi na umabot ng buhay sa pagamutan na pinaniniwalaang nasawi sa matinding sikat ng araw na sinabayan pa ng matinding pagod o ‘heat stroke.’
Nabatid na natapos pa ni Bolima ang mga naunang fitness test na push up, pull up at sit up bago naganap ang insidente.
Sinabi naman ng misis ng pulis na wala siyang alam na sakit ng biktima at masigla pa itong umalis sa kanilang bahay kaya nagulat siya nang ipabatid na patay na ang kanyang kabiyak.
Sinabi ni Supt. Cleto Manungas, Medical Officer ng PNP, na cardiac arrest secondary to heat stroke ang ikinasawi ni Bolima. (Joy Cantos at Victor Martin)