Ambus: Hepe ng Registry of Deeds, drayber utas
CAVITE – Napatay sa pananambang ang hepe ng Registry of Deeds at ang drayber nito matapos ratratin ng ‘di-pa kilalang lalaki sa naganap na panibagong karahasan sa Trece Martirez City, Cavite, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Hernando Zafra, Cavite police director, ang mga biktimang sina Atty. Napoleon Gatmaitan, 44, hepe ng Registry of Deeds sa Trece Martirez at residente ng Jardin De Madrid, Barangay Habag, Bacoor, Cavite; at ang driver na si Benny Guanzon, 36, ng Project 6 Quezon City.
Ayon sa police report, papasakay na ang dalawa sa kanilang sasakyang Isuzu Crosswind (XTR-998) sa may parking lot ng banko sa kahabaan ng Governor’s Drive sa Barangay San Agustin nang lapitan at pagbabarilin ng nag-iisang gunman bandang alas- 5:45 ng hapon.
Isinugod pa sa Emilio Aguinaldo Memorial Hospital at St. James Hospital ang mga biktima, pero namatay din ilang saglit lang habang ginagamot dahil sa mga tinamong tama ng bala ng baril sa kanilang katawan.
Nakatakas naman ang gunman sakay ng motorsiklo na may plakang WH-4944 patungong bayan ng Naic, Cavite samantalang inaalam pa rin ng mga awtoridad kung may kaugnayan sa trabaho ng biktima ang motibo sa pamamaslang.
- Latest
- Trending