3 NPA utas sa bakbakan
FORT RAMON MAGSAYSAY, Palayan City, Philippines – Tatlong armadong kalalakihan na sinasabing rebeldeng New People’s Army (NPA) ang iniulat na napatay makaraang makipagsagupaan sa tropa ng 71st Infantry Battalion ng Phil. Army sa liblib na bahagi ng Sitio Upper Diayo, Barangay Galintuja, Maria Aurora, Aurora, kahapon ng madaling-araw. Umabot sa 30-minuto ang engkuwentro na nagresulta sa pagkasawi ng 3 NPA na kasalukuyang pang bineberipika ang pagkikilanlan habang nasugatan naman si 2nd Lt. Franklin Decio. Nakarekober ang tropa ng Phil. Army sa pamumuno ni Col. Mercedes Feliciano ng dalawang M16 rifles, dalawang M14 rifles at mga personal na kagamitan ng mga rebelde. Patuloy naman tinutugis ng Phil. Army ang nagsitakas na rebelde. Victor Martin at Christian Ryan Sta. Ana
Holdap: Trader, driver dinedo
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines – Napaaga ang salubong ni kamatayan laban sa negosyanteng babae at drayber ng pampasaherong jeepney makaraang holdapin at ratratin ng mga armdong kalalakihan sa kahabaan ng kalsadang sakop ng Barangay Katipunan sa bayan ng San Miguel, Catanduanes kahapon ng madaling-araw. Naisugod pa sa Catanduanes Provincial Hospital subalit idineklarang patay ang drayber na si Perpecto Mendoza, at ang pasaherong negosyante na si Salvacion Tatel. Ayon kay P/Senior Supt. Francisco Penaflor, tinangay pa ng mga holdaper ang P20,000 cash ni Tatel, cell phones, mga alahas at iba pang personal na gamit saka tumakas. Ed Casulla
Driver dinukot ng Sayyaf
MANILA, Philippines - Naging desperado ang mga bandidong Abu Sayyaf matapos pagtiyagaang dukutin ang isang dump truck driver na kawani ng pamahalaang lokal ng Jolo, Sulu, ayon sa ulat kahapon. Kinilala ni P/Senior Supt. Jul Asirim Kasim, ang panibagong biktima ng kidnapping na si Romualdo Zoriso, garbage truck driver ng munisipyo ng Jolo. Batay sa police report, dinukot ang biktima ng mga bandidong Sayyaf sa pamumuno ni Kumander Juruhin Hussin sa Barangay Tugas sa bayan ng Patikul kamakalawa bandang alas-9:55 ng gabi. Dinala pa ng mga kidnaper ang truck sa Sitio Lubluban, Barangay Bangkal at saka sinunog. Patuloy ang search and rescue operations ng mga awtoridad para sa panibagong biktima. Sa kasalukuyan, bihag pa rin ng mga bandidong Abu Sayyaf ang tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) na kinidnap sa Patikul, Sulu noong Enero 15. Joy Cantos
- Latest
- Trending