BALANGA CITY, Bataan – Isang inahing baboy ang nagluwal na may kakaibang anyo. Meron itong dalawang ulo, tatlong mata (iyong isa nasa pagitan ng dalawang ulo), walo ang paa at isang pusod sa iisang katawan kamakailan sa Barangay Munting Batangas, lungsod na ito.
Ang inahing baboy ay pag-aari ni P/Sr.Supt. Odelon Ramoneda, chief of staff ng OASI-DILG.
Nagulat ang mga tauhan ni Ramoneda nang dakong alas-9:00 ng umaga, iniluluwal ang pang-anim sa 14 na anak ng isang hybrid Durok Petrin. Pula na may batik na itim ang naturang kakaibang biik.
Ayon kay Aling Cynthia, isang beterinaryo, masyado umanong nahirapan ang nasabing biik sa paglabas nito kaya namatay din ito makalipas ang limang oras.
Ang naturang inahin ay nagbuntis sa pamamagitan ng isang artificial insemination. Ang labingtatlong anak nito sa ngayon ay pawang malalakas ang kondisyon na maingat na inaalagaan ni Aling Cynthia.
Sinabi pa ni Ramoneda na, dahil sa kakaiba ito sa lahat ng biik na isinilang ng kanyang baboy at bakasaling magdadala ito ng swerte, kanya itong ipina-preserve sa isang malaking botelya. (Jonie Capalaran)