Bumagsak sa mga kamay ng militar ang mag-amang opisyal ng mga rebeldeng New People’s Army sa isinagawang operasyon sa bahagi ng Purok 3 sa Brgy. Cogon, J.P Laurel Avenue, Panabo City sa Davao del Norte, kamakalawa ng madaling-araw.
Kinilala ni AFP-Eastern Mindanao Command Major Randolph Cabangbang, ang dalawang lider ng rebelde na sina Reginaldo Alicaba, 51; at Rizalyn Alicaba Mangilimotan, 26.
Si Reginaldo na gumagamit ng alyas Ka Emong at Alex ay deputy secretary ng Armando Dumandan Command ng Southern Mindanao Regional Committee 33, samantalang si Rizalyn na gumagamit ng alyas Ka Taling at bayaw ni NPA leader na si Leonardo Pitao alyas Kumander Parago ay medical officer ng nabanggit na command.
Nasamsam sa mag-ama ang dalawang granada, baril at ilang subersibong dokumento.
Kasalukuyang isinasailalim sa medical examination si Ka Emong matapos na madiskubreng may prostate enlargement at patuloy naman ang tactical interrogation. (Joy Cantos)