4 holdaper utas sa shootout
RIZAL – Apat na armadong kalalakihan na sinasabing miyembro ng holdap gang ang iniulat na napaslang makaraang makipagbarilan sa mga pulis kahapon ng madaling-araw sa binisidad ng Brgy. Sta. Cruz, Antipolo City, Rizal.
Kabilang sa mga napatay ay sina Wendelyn Llantos, 39, ng # 598 San Jose St.; kapatid nitong si Danilo Llantos, 37, ng # 636 San Jose St.; Jesus Quilatan, 44, ng Brgy. Addition Hills; at si Noli Estuar, 33, ng Blk 37 Welfarevilla, Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Ireneo Dordas, Rizal police director, lulan ng kulay dilaw na Toyota Corolla (XRB 418) ang apat nang maharang sa checkpoint ng 418th Provincial Mobile Group sa Marcos Highway.
Sa halip na huminto ay nilagpasan ang checkpoint kaya hinabol ng pulisya hanggang sa makorner at makipagbarilan ang apat na holdaper sa bisinidad ng Blue Mountain Subd. sa nabanggit na barangay.
Sa beripikasyon, lumilitaw na ang plaka ng ginamit ay para sa Oprah Chevrolet na kinarnap habang inaalam pa kung ang dilaw na kotse ay karnap din.
Base sa intelligence report ng pulis-Cainta, ang mga suspek ay naunang nangholdap sa gasolinahan ng Petron sa Ortigas Avenue, Cainta, kamakalawa ng madaling-araw.
Nabatid din sa ulat na dalawa sa napatay ay sangkot sa kidnap-for-ransom base sa report na ipinadala ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER)
Narekober ang apat na baril at granada, habang tugis naman ang dalawang iba pa na sakay ng motorsiklo na nakabuntot sa apat na napatay. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending