Ex-jailguard sabit sa pagdukot sa 3 tauhan ng Red Cross
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibilidad na isang jailguard na natanggal sa trabaho ang kasabwat ng bandidong Abu Sayyaf sa pagkidnap sa tatlong miyembro ng International Committee of the Red Cross sa Patikul, Sulu kamakalawa.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command Chief, Lt. Gen. Nelson Allaga na, batay sa testimonya ng ilang saksi, ang hindi nito pinangalanang jailguard ang isa sa humarang sa sasakyan ng mga biktima.
Ang mga kidnapper ay natukoy na mula sa grupo ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad.
Ang mga kinatawan ng ICRC sa pangunguna ng Swiss national na si Andreas Notter ay dinukot alas-11:30 ng umaga nitong Huwebes.
Ang dalawang iba pa ay sina Eugenio Vagni, Italian, at Jean Lacaba, isang Pilipina. Nagtungo ang tatlo sa Sulu para bisitahin ang nakumpleto nang sanitation project sa Sulu Provincial Jail.
Sa isang ulat ng GMA News, ilang impormante ang nagsabing mga menor-de-edad na kabataan ang kabilang sa kidnapper ng mga biktima. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending