Opisyal ng pulis kinasuhan ng alkalde
CAMARINES NORTE – Pormal na ipaghaharap ng kaukulang kaso sa National Police Commission ang isang opisyal ng pulisya na sinasabing nambastos sa ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Daet, Camarines Norte.
Desididong sampahan ng kaso ni Daet Mayor Tito S. Sarion, ang tumatayong police provincial director na si P/Supt. Noel Constantino, na sinasabing may ilang ulit na hindi sumipot sa gaganaping pormal na turnover of command ng hepe ng pulisya sa nabanggit na bayan.
“Mismong si Constantino ang nagbigay ng petsa at oras sa gagawing formal turnover noong Lunes ng hapon subalit hindi sinipot at maging ang outgoing na si P/Supt. Ricardo Villanueva kung saan ang ipapalit ay si P/Supt. Enrique Ramos Jr.,” pahayag ni Sarion.
Nabatid kay Sarion na dapat sana ay noong pang December ang turnover subalit binalewala ni Constantino ang kautusan ng regional police. “Isang tahasang pambabastos sa aking pamamahala ang ginawa ni Constantino,” dagdag pa ni Mayor Sarion.
Una nang ikinagalit ni Sarion ang biglaang pagpapalit ng chief of police sa kanyang bayan noong June 2008 na hindi muna ipinaalam ni Constan tino.
Nakatakda ring makipag-usap si Sarion kay DILG Sec. Puno upang iparating ang kawalang respeto ng mataas na opisyal ng PNP sa nasabing lalawigan.
Sinikap naman kunin ang panig ni Constantino subalit hindi makontak at sinasabing hindi pinahihintulutan ang mga mamamahayag na maka-interview ang nasabing opisyal. (Francis Elevado)
- Latest
- Trending