Doktor, inginusong utak. Nakawan sa katedral nalutas

Nalutas na ng pulisya ang kontrobersyal na ni­lagareng ulo at kamay ng rebulto ng Birheng Maria sa Masbate Cathedral noong 2008 makaraang maaresto ang dalawang lalaki na ituro naman ang isang doktor na utak sa nakawan.

Ayon kay P/Senior Supt. Reuben Theodore Sindac, provincial police director, sinampahan na nila ng kasong robbery sa Masbate City Prosecutor’s Office si Dr. Clemente Hector Severino Bajar at ang mga kasabwat nitong sina Manolito Canaway at Arvin Rosales.

Napag-alamang sina Canaway at Rosales ay naaresto ng pulisya sa follow-up operation matapos nilang lagariin at tangayin ang ulo’t dalawang kamay ng rebulto ng Immaculate Concepcion sa katedral sa Quezon st., Brgy. Bapor, noong umaga ng Nobyem­bre 23.

Inamin ni Canaway na inutusan siya ni Dr. Bajar na pagnakawan ang ka­ted­ral kapalit ng P10,000 kaya kinutsaba nito si Rosales para lagariin ang ulo’t da­lawang kamay ng re­bulto, na gawa sa ivory.

Ayon kay Sindac, ‘di-matiyak ang halaga ng mga ninakaw na parte subali’t naniniwala silang malaki ang halaga nito dahil na rin sa katandaan ng rebulto. 

Nabatid na matapos maganap ang insidente ay nagluksa ang mga deboto na palaging nagdarasal para maibalik ang nila­gareng ulo at kamay ng nasabing rebulto.

Patuloy naman ang hot pursuit operations ng pulisya laban sa nasabing doktor. (Joy Cantos)

Show comments