Bomber ng Al Khobar nakapuga
KIDAPAWAN CITY — Nananatiling palaisipan sa mga awtoridad kung paanong nakatakas kahapon ng madaling-araw sa mga guwardiya ng Kidapawan City Jail ang dalawang preso kabilang na ang sinasabing bomber ng grupong Al Khobar.
Ayon kay P/Supt. Jose Calimutan, deputy provincial chief ng North Cotabato PNP, isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang jail warden at mga guwardiya ng nasabing kulungan kung saan nakapuga ang sinasabing bomber na si Musali Cado na may kasong multiple murder at isinasangkot sa pambobomba sa Kidapawan City noong 2008.
Kasama sa nakapuga si Samuel Nasario na may kasong theft.
“Kung nilagare nina Cado at Nasario ang rehas na bakal ng kanilang selda, imposibleng ‘di ito maririnig ng kapwa nila mga preso,” paliwanag ng isang mataas na opisyal ng Task Force Cotabato.
Kabilang sina Cado at Nasario sa dalawampu’t apat na preso na nasa Selda Dos ng Kidapawan City Jail.
Si Cado na may mga alyas na Musali Gardo, Musalim Abas at Dyanggo ay nasakote ng intelligence agents ng Army at PNP sa Sultan Kudarat noong February 21 at umaming may kinalaman sa pambobomba sa KMCC Mall noong Nov. 2007.
Nabatid na sangkot din si Cado sa jailbreak sa Amas Provincial Jail noong February 2, 2007 kung saan 48 mga preso ang nakatakas. (Malu Cadelina Manar at Danilo Garcia)
- Latest
- Trending