Anim na sibilyan ang nasugatan matapos yanigin ng dalawang pagsabog ang Barangay Umangay, Patikul, Sulu, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Aldina Hari, 14; Habibi Harbi, 12; Nurfaida Basari, 12; John Jamang, 17; at Nur-in Bahani, 50 anyos, pawang residente sa lugar.
Ang mga biktima na pawang nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay kasalukuyan nang nilalapatan ng lunas sa Sulu General Hospital.
Sa naantalang ulat kahapon ng tanggapan ni Autonomous Region in Muslim Mindanao Provincial Police Office Director Chief Supt. Bensali Jabarani, naganap ang insidente sa bisinidad ng Sitio Palar, Barangay Umangay sa pagsalubong sa Bagong Taon dakong alas - 11:40 ng gabi.
Nasa naturang lugar ang mga biktima nang magkaroon ng mga pagsabog dito na inakala ng mga itong isa lamang uri ng ‘fireworks’.
Gayunman, pawang duguan ang mga ito matapos na tamaan ng pagsabog ng isang uri ng Improvised Explosive Device. (Joy Cantos)