Anak ng alkalde nag-amok sa derby

LUCENA CITY – Nabu­labog ang mga sabungero sa idinaraos na derby ma­ka­raang magpaputok ng baril ang isang konsehal na anak ng alkalde sa sa­bu­ngan ng Quezon Cockpit Arena sa Barangay Sila­ngang Mayao sa Lucena City, Quezon kamakalawa ng hapon. Hindi naman nagbigay ng pahayag ang suspek na si Councilor Ramil Talaga, anak ni Lu­cena City Mayor Ramon Talaga Jr.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng hapon habang nasa kainitan ng derby sa nabanggit na sa­bu­ngan ay walang sabi-sabing nagbunot ng baril si Councilor Talaga at nagpa­putok ng makailang beses sa ere.

Dahil sa pangyayari, ay nagpulasan ang mga tao sa sabungan na nagresulta upang itigil ng management ang palaro at idekla­rang tabla ang hindi nata­pos na salpukan ng ma­nok.

Dahil sa inasal ni Councilor Talaga na nasaksihan ng ilang kongresista mula sa ibang probinsya at ilang mayor sa lalawigan ng Quezon na dumayo pa sa naturang sabungan ay ma­rami ang  nainis partiku­lar na mga nanalo sa pusta­han na hindi nakuha ang pera sanhi ng pagkaka­tabla ng sabong. (Tony Sandoval)

Show comments