BULAKAN, Bulacan – Isantabi muna ang Chacha (Charter change) at sa halip ay tutukan ang delubyong magpapalubog sa libu-libong pamilya ng overseas Filipino worker sanhi ng global financial crisis.
Ito ang payo at babala ni dating Labor Undersecretary Susan Ople sa pamahalaan matapos na dumalo sa ikalawang anibersaryo ng NewsCore, isang lokal na pahayagang naka-base sa bayang ito noong Biyernes.
“Kalimutan muna natin ang Charter change dahil ang dapat tutukan ay ang economic tsunami na magpapalubog sa libu-libong pamilya ng OFW dahil sa global financial crisis,” ani Susan.
Ayon kay Ople, ang problema ng kawalan ng trabaho ng libu-libong OFW ay hindi na maitatanggi.
“Nandito na ang problema, tahimik lang pero totoo,” aniya at iginiit na noong nakaraang linggo ay kasama siya ni Overseas Worker Welfare Administrator Carmelita Dimzon sa Taiwan kung saan ay sinabi sa kanila ng mga opisyal ng Manila Economic Cultural Office doon na umabot sa mahigit 2,000 OFW na ang mula Oktubre at tinatayang 4,000 OFW pa sa Taiwan ang mawawalan ng trabaho. (Dino Balabo)