8 mangingisda nawawala
LUCENA CITY, Quezon – Bago pa naganap ang trahedya ng paglubog ng M/V Mae Jan sa karagatan ng Cagayan at sa Antique noong linggo, walong mangingisda mula sa bayan ng Atimonan, Quezon ang iniulat na nawawala sa karagatan ng Pacific Ocean noong Huwebes ng Disyembre 4.
Sa naantalang ulat na ipinalabas ni Petty Officer Felix Sierra, commander ng Atimonan Coast Guard Detachment, ipinagbigay-alam ni Arnel Manaog ang nawawala nitong fishing boat na F/B Silver na may lulang walong mangingisda.
Kabilang sa mga nawawala ay ang kapitan ng fishing boat na si Ronald Magbuhos at mga mangingisdang sina Melchor Manaog, Rogelio Evangelista, Romnic Balangigi, Jessie Alcaba, Joko Estrella, Randy Batucabe at si Emmanuel Pasamba.
Ayon kay Manaog, naglayag ang F/B Silver noong Disyembre 4, kasabay ng tatlong bangka na F/B Annie Joy, F/B Ron-Ruel at ang F/B Lady-Lady sa may karagatan ng Quezon ilang milya ang layo sa Humalig Island o walong oras ang layo mula sa Puerto ng Atimonan bago ito nawala sa karagatan makalipas ang 3- araw.
Nakabalik naman ang tatlong bangka noong Linggo ng Disyembre 7 subalit nanatiling hindi nakabalik ang F/B Silver.
Pinaniniwalaang hinampas ng malakas na hangin at malalaking alon ang bangka ng mga biktima bago ito lumubog sa hindi paring malamang lugar ng Pacific Ocean, ayon pa kay Sierra
Nagsasagawa parin ng search and rescue operations ang mga awtoridad para maisalba ang mga mangingisda. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending