Traffic aide todas sa pinahintong truck

Nasawi ang isang traffic enforcer nang binangga at napatay ng isang trak na kanyang pinapahinto habang nagmamando siya ng trapiko sa Mandaue City, Cebu kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Jojie Dalida, 29-anyos, na binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Mandaue City Hospital sanhi ng pinsala sa kanyang ulo at katawan.

Nakakulong naman ang driver ng truck na si Armando Lobaton, 45-anyos, at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, naganap ang aksidente sa kahabaan ng UN Avenue sa Mandaue City .

Inihayag ng driver na pinapahinto ng enforcer ang kanyang minamanehong truck para makadaan ang mga sasakyan galing sa kabilang kanto ngunit hindi kumagat ang kanyang preno dahilan upang tuluyan itong sumalpok kay Dalida.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang aksidente. (Danilo Garcia)

Show comments