Pinaniniwalaang may matinding problemang personal kaya nagdesisyon ang isang pari na tumalon mula sa bintana ng ikatlong palapag ng hospital sa General Santos City, kamakalawa.
Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang biktimang si Fr. Baltazar Celestial, 36, parish priest sa Saint Francis Xavier Church sa bayan ng Malapatan, Sarangani.
Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, naitala ang insidente dakong alas-5 ng hapon noong Biyernes kung saan ginagamot si Fr. Celestial sa General Santos Doctors Hospital.
Ayon kay P/Senior Supt. Robert Po, hindi pa matukoy ang motibo ng insidente at hindi pa rin maikakategoryang talagang nagtangkang mag-suicide ni Fr. Celestial tulad ng sinasabi ng mga testigo.
Wala namang makitang palatandaan ng foul play ang mga imbestigador sa nasabing insidente.
Samantala, wala pa ring pahayag si Bishop Dinualdo Gutierrez ng Diocese of Marbel hinggil sa sinasabing tangkang suicide ng nasabing pari.
Nabatid na maging ang mga deboto ng nasabing simbahan ay hindi makapaniwalang magtatangkang mag-suicide ang naturang pari dahil mabait naman umano ito, sa pagkakaalam nila ay walang problema bagaman sakitin ito kaya lagi sa hospital. Joy Cantos