Sinunog ng mga pinaghihinalaang mga rebeldeng New People’s Army ang plantasyon ng tubo ng alkalde ng Calatrava, Negros Occidental kamakalawa.
Batay sa report ng Police Regional Office, dakong alas-7:45 ng umaga nang salakayin ng mga armadong kalalakihan ang malawak na taniman ng tubo na pag-aari ni Mayor Valmayor Hermanos sa Sitio Danicop, Barangay San Isidro, Calatrava ng nasabing lalawigan.
Wala namang nagawa ang mga trabahador dito matapos na tutukan ng baril ng mga armadong rebelde.
Agad na sinilaban ng mga rebelde ang plantasyon ng alkalde bago mabilis na nagsitakas patungo sa direksyon ng kabundukan.
Pinaniniwalaan namang pangingikil ng revolutionary tax ang motibo ng mga rebelde sa inilunsad ng mga itong pag-atake. (Joy Cantos)