Limang sundalo ng Phil. Army ang iniulat na nasawi habang apat iba pa ang nasugatan makaraang sumabog ang landmine na itinanim ng mga rebeldeng New People’s Army sa bisinidad ng Sitio Bantolinao, Barangay Ganayon sa bayan ng Lianga, Surigao del Sur noong Martes ng hapon.
Kabilang sa mga namatay ay sina M/Sgt. Rolly Banag, T/Sgt. Juanito Tela, Sgt. Ruel Ortero, Cpl. Amil Julmadi at si Pfc Piong Jalain.
Nasa Lianga District Hospital naman ang mga sugatang sina S/Sgt. Danilo Mamocay, Corporal Haliddin Habibun, Sgt. Mamucay at si Cafgu Simbahon.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni Army Chief Lt. Gen. Victor Ibrado, ang mga biktima ay kabilang sa pangkat ng Army Personnel Management Center sa pamumuno ni Captain Allan Espela na nakabase sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Napag-alamang bumibisita sa mga Army cap ang mga bik timang lulan ng trak patungo sana sa kampo ng 401st Infantry Brigade ng Army’s 4th Infantry Division nang maganap ang pagsabog.
Natangay ng mga rebelde ang limang malalakas na kalibre ng baril, mga bala, laptop, cellular phones at mga personal na kagamitan ng mga sundalo. (Joy Cantos)