Isa na namang brodkaster ng lokal na himpilan ng radyo ang iniulat na nasawi makaraang ratratin ng ‘di-pa nakilalang lalaki sa naganap na pananambang sa bayan ng San Roque, Northern Samar noong Martes ng gabi.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Eusebio Mejos, Samar police director, ang biktimang napuruhan sa ulo at kaliwang dibdib ay nakilalang si Leo Mila, 35.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, si Mila na kilala bilang hard-hitting commentator sa Northern Samar ay pinagbabaril sa loob ng compound ng Radyo Natin (affiliate station ng Manila Broadcasting Company) sa Sitio Naperes, Brgy. Zone 3 na may ilang kilometro ang layo mula sa town proper ng San Roque.
Ayon kay Col. Mejos, ang pagpatay kay Mila ay may kinalaman sa kanyang matinding pag-atake sa operasyon ng New People’s Army’s revolutionary taxation na inimplimenta sa nabanggit na lalawigan at pagbanat sa ilang isyung political.
Nadiskubre ang bangkay ni Mila sa madilim na bahagi ng nasabing compound at dinala sa isang pribadong morgue para isailalim sa post-mortem examination sa bayan ng Catarman.
Si Mila na may araw-araw na programa sa Radyo Natin na “Himig Waraynon” ay kauna-unahang pinaslang sa Northern Samar at ikalawa sa buong rehiyon. Si Ramon “Monching Noblejas ay binaril at napatay sa compound ng DyVL sa Tacloban City noong Oktubre 4, 2007 at kasalukuyang ‘di-pa nareresolba ng mga awtoridad ang krimen.