Anak ng mag-asawang trader kinidnap
Maging ang isang 9-anyos na batang babae na anak ng mag-asawang negosyante ay kinidnap ng mga armadong kalalakihan na sinasabing mga bandidong Abu Sayyaf Group sa bisinidad ng Lamitan City, Basilan noong Miyerkules ng gabi.
Sa phone interview, kinilala ni P/Senior Supt. Salik Macapantar ang biktima na si April Nicole Tejada Raveche, Grade 3 pupil.
Naganap ang kidnapping sa harapan ng restaurant na pag-aari ng pamilya Raveche sa kahabaan ng Flores Street sa Brgy. Malakas, dakong alas-6:55 ng gabi.
Ayon naman sa tagapagsalita ng Navy na si Lt. Col. Edgard Arevalo, kasalukuyang akay ng ina ang biktima nang puwersahan itong agawin at tangayin ng mga armadong kalalakihan.
Nakabarilan pa ng pulisya ang mga kidnaper na tumahak sakay ng dalawang motorsiklo sa direksyon ng Tuburan habang narekober naman ang motorsiklo na ginamit ng mga ito sa bahagi ng Sitio Libi, Brgy. Kadayan, sa bayan ng Akbar.
Napag-alamang sinamantala ng mga kidnaper ang pagiging abala ng Philippine Marines sa isa pang kaso ng kidnapping for ransom sa Basilan nang isagawa ang panibagong pagdukot. Joy Cantos
- Latest
- Trending