Walong rebeldeng Moro Islamic Liberation Front na nasa ilalim ng pamumuno ni Commander Ameril Umbra Kato, ang iniulat na napaslang habang 4 iba pa ang nasugatan kabilang ang dalawang sundalo sa panibagong sagupaan sa liblib na bahagi ng Shariff Aguak, Maguindanao kamakalawa.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni Army Chief Lt. Gen. Victor Ibrado, kinilala ang tatlong narekober na bangkay ng MILF rebs na sina Samer Udtog, Magula Pegkaulan at Sadat Abdullah habang sugatan naman sina Suaed Pegkaulan at Raheb Madidis.
Base sa intelligence report na nakalap ni Army 6th Infantry Division spokesman Col. Julieto Ando, binitbit ng mga nagsitakas na rebelde ang limang iba pang MILF na namatay sa bakbakan.
Kinilala naman ang sugatang sundalo ng Phil. Marines na sina Pfc Rex Reynaldo at Pfc Laureano Japson.
Sumiklab ang ilang minutong sagupaan sa pagitan ng grupo ni Commander Kato at ng platoon Bravo Company ng Army’s 46th Infantry Battalion sa pamumuno ni 1st Lt. Christopher Manuel sa liblib na bahagi ng Brgy. Malingaw sa nabanggit na bayan. Joy Cantos