TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Umaabot sa P.1 milyon ang nalimas sa naganap na magkasunod na nakawan sa Cagayan noong Sabado. Base sa police report, unang nilooban ng mga ‘di-kilalang kalalakihan ang panaderya sa Tuguegarao City bago nilimas ng P.1 milyon sa kaha. Kasunod nito, nilooban din ang isang pribadong kompanya na sinasabing natangayan ng P12,000. May teorya ang pulisya na iisang grupo ang responsable sa magkasunod na nakawan sa nabanggit na lungsod. (Charlie Lagasca)
Tinedyer grabe sa shotgun
DAGUPAN CITY – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang isang 15-anyos na lalaki kung saan aksidenteng nabaril ng shotgun ng kanyang matalik na kaibigan sa Alaminos City, Pangasinan noong Sabado ng hapon. Ayon kay Michael Canto, spokesman ng Region I Medical Center, naapektuhan ang atay, bato, at diapragm ng biktima at nasa recovery room matapos ang masusing operasyon kahapon. Ayon kay P/Senior Insp. Jaime Fernandez, deputy police chief ng Alaminos City, inako naman ng pamilya ng suspek ang anumang gastusin ng biktima habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya. Base sa spot report ng pulisya, lumilitaw na pinaglaruan ang shotgun bago maganap ang insidente. (Cesar Ramirez)
Ika-7 most wanted tiklo
BATAAN – Rehas na bakal ang binagsakan ng isang 33-anyos na wanted ng batas makaraang madakip ng mga awtoridad sa Sitio Pugad Lawin, Barangay San Juan sa bayan ng Samal, Bataan kamakalawa ng gabi. Kinilala ni P/Senior Supt. Manuel Gaerlan, Bataan police director, ang suspek na si Inocencio “Ka Benjo” Benjo ng nabanggit na barangay. Napag-alamang si Benjo ay inaresto ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu nina Judge Jose Ener Fernando ng Dinalupihan Regional Trial Court Branch-5 at Judge Manuel Tan ng Balanga City Regional Trial Court Branch-2 dahil sa mga kasong robbery with homicide, robbery w/ attempted homicide at murder. Ayon kay P/Chief Insp Cezar Lumiwes, si Benjo ay nagpapahinga sa kubo nang maaresto. (Jonie Capalaran)
Inakalang kaaway, inutas
CAVITE – Pinaniniwalaang napagkamalang kaaway ang isang 37-anyos na pintor kaya pinagtulungang saksakin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa Barangay Anahaw, Silang, Cavite, kamakalawa ng gabi. Kinilala ni PO2 Robert Dimaalag, ang biktiman na si Danilo “Danny” Meano ng Block 39 Lot12 ng nabanggit na barangay. Base sa police report, nakatayo ang biktima sa harapan ng kanyang bahay nang maganap ang pamamaslang. May teorya ang pulisya na napagkamalang kaaway ang biktima. (Cristina Timbang)