6 patay sa sunog

Anim katao ang nasawi makaraang makulong ng apoy sa nasunog nilang tahanan sa Poblacion, Ilawod, Cuartero, Capiz ni­tong Huwebes ng madaling araw.

Nakilala ang mga bikti­ma na sina Virginia Francisco, 66 anyos, may-ari ng bahay; Joan Francisco, 31; Claudia Sion, 94; Irah Mae Cordevero, 15; Charmaine Arabis, 15 at Michelle Gardose, 13 taong gulang.

Ang mga biktima ay pawang nagmistulang uling ang mga katawan at hindi na makilala bunga ng insi­dente kung saan sa pama­magitan lamang ng kani­lang suot na mga alahas sa kata­wan ang mga ito naki­lala ng kanilang mga ka­mag-anak.

Batay sa ulat, sinabi ni Cuartero Mayor Roger Flores na naganap ang sunog sa bahay ni Virginia Francisco pasado ala-1:30 ng madaling araw.

Nabatid na ang dala­wang nasawing tinedyer ay kapwa estudyante ng Cuartero National High School at nakikituloy la­mang sa bahay ng matan­dang Francisco. Ang iba namang mga biktima ay magkakamag-anak.

Lumilitaw naman sa inisyal na imbestigasyon na isang malakas na pag­sabog ang narinig sa lugar na pinaniniwalaang mula sa sumingaw na Liquified Petroleum Gas at kasunod nito ay tuluyang nilamon ng sunog ang naturang bahay.

Sinubukan pa ng­ mga ka­pitbahay ng mga biktima na gisingin ang mga ito subalit dahil sa gawa la­mang sa light materials ang nasabing bahay, mabi­lis na kumalat ang apoy at wala ni isa man sa anim na katao na nasa loob ang naka­ligtas.

Show comments