550 kabataan sinasanay maging mandirigma
KIDAPAWAN CITY – Tinatayang aabot sa 550 kabataan na nagsipaghinto sa pag-aaral mula sa ibat’ ibang bayan at pinaniniwalaang sinasanay ng mga rebeldeng Moro Islmaic Liberation Front (MILF) para maging mandirigma ang iniulat na nanatiling nawawala sa North Cotabato.
Ayon kay P/Senior Supt. Felicisimo Kho, commander ng Task Force PALMA-PIKIT, sa bilang na 550 kabataan, 448 ay mga hayskul at aabot naman 103 ay mga mag-aaral sa elementarya mula sa mga bayan ng Alamada, Pikit, Libungan, Kabacan, Matalam, at Carmen.
Ang mga kabataang ito, ayon kay Kho, ay tumigil na sa pagpasok sa mga eskwelahan. At maging ang mga kaanak, ay ‘di-batid kung nasaan na sila.
Nawawala raw ang mga kabataang ito simula pa noong August 8, 2008 nang sumiklab ang giyera sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng MILF.
Posible na ang ilan sa mga kabataang ito ay sumasailalim sa pagsasanay ng MILF sa iba’t ibang mga training camp, ayon pa kay Kho.
Gayon pa man, napatawa sa report na ito si Eid kabalu, head ng civil military operations ng MILF at nag sabing walang katotohanan ang report.
Bagamat hindi direktang inamin ng matataas na opisyal ng MILF, nabatid sa mga report na maraming kabataan, na may edad 12 hanggang 17-anyos, ang sinasanay sa iba’t ibang training camp ng MILF.
Ayon na rin sa MILF, ang mga kabataang nawawala ay ‘di-naman dinukot bagkus kusang sumama sa kanilang grupo. (Malu Manar)
- Latest
- Trending